Kautusan ng SC sa body cam ng police operation, magpapatibay sa integridad ng PNP

Ikinalugod ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang paglalabas ng Kataas-taasang Hukuman ng panuntunan sa tamang paggamit ng body cameras ng mga pulis sa kanilang mga operasyon lalo na sa pagsisilbi ng warrant of arrests.

Tiwala si Gatchalian na ito ay magiging gabay ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) upang masiguro na mapapanatiling maayos ang pagtupad nila sa tungkulin.

Diin ni Gatchalian, bilang pangunahing protektor ng mga sibilyan, kinakailangang matibay at walang pagdududa ang integridad at karakter ng mga kapulisan lalo na sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin.


Diin pa ni Gatchalian, ang pag-oobliga ng pagsusuot ng body camera ay mainam na kasangkapan upang maging malinaw sa publiko ang pananagutan ng mga pulis sa tuwing magsasagawa sila ng operasyon.

Paliwanag ni Gatchalian, anuman ang mai-record ng body camera ay magsisilbing matibay na ebidensya sa aktuwal at tunay na pangyayari sa isang operasyon ng PNP na hindi na kailangan pang umasa sa testimonya ng mga saksi na kailangan pang patunayan kung totoo o hindi.

Facebook Comments