Magpapalabas ng isang executive order ang Malacañang para gawing mas mabilis ang proseso ng mga permit, lisensiya, clearance, certification at authorization para sa mga nakalinyang infrastructure flagship projects o IFP’s ng pamahalaan.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na gagawin ito upang maiwasan o kaya tuluyang maalis na ang mga pagkaantala sa pagpapatupad ng malalaking proyektong pang imprastraktura ng gobyerno.
Sakop aniya ng ilalabas na executive order ang lahat ng ahensiya ng gobyerno maging ang mga lokal na pamahalaan para mapaikli na o mapabilis ang standard procedure at requirements sa mga IFP.
Ipatutupad aniya ang kautusang ito sa lahat ng nakabinbin at mga bagong aplikasyon na nasa loob ng NEDA board approved infrastructure flagship projects.
Samantala, inaprubahan na rin ng NEDA board na isali na rin bilang mga miyembro ng infrastructure committee ang DENR at DICT para maisama na rin sa konsiderasyon ang environmental aspects sa infrastructure development.
Layunin din nitong magpatupad ng digitalization o gawin nang automated ang databases ng LGUs para sa mga bayarin at paglalabas ng resibo.
Sa ngayon, inaayos pa aniya ng office of the executive secretary ang technical details ng EO bago ito i-isyu ng Palasyo.