Nakatakdang maglabas ng executive order si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagpapatupad ng free trade agreement o malayang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea.
Ito’y matapos aprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) board ang pagbuo ng Executive Order (EO) na sasaklaw sa tariff commitments ng bansa sa PH-Korea Free Trade Agreement (FTA).
Sa ilalim nito, inaasahang magbibigay ang Korea ng preferential duty-free entry sa 11,164 na produktong Pilipino at nagkakahalaga ng 3.18 billion dollars, o 87.4% ng kabuuang imports ng Korea sa Pilipinas.
Nakikita ring mas magiging kapaki-pakinabang ito sa bansa kumpara sa ASEAN–Korea FTA at regional comprehensive economic partnership.
Layon ng kasunduan na palakasin pa ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa, tungo sa paglikha ng mga bagong oportunidad sa negosyo at investments.