Cauayan City, Isabela- Personal na binisita at ginawaran ng medalya ni MGen Andres C Centino, Commanding General ng Philippine Army ang ilang kawal at opisyal ng 17th Infantry ng 5th Infantry Division sa unang araw ng Hulyo.
Dalawang (2) opisyal at limang (5) enlisted personnel ng nasabing yunit ang ginawaran ng Military Merit Medal sa ipinakitang tapang at kabayanihan sa pakikipagsagupa laban sa mga miyembro ng teroristang grupo noong Disyembre 2020 at ika-14 ng Marso ng kasalukuyang taon.
Matatandaan na matagumpay na nakubkob ng mga sundalo ang 1,000 square meters na kuta at 40 bunkers ng mga nakalabang rebeldeng grupo sa bahagi ng Zinundungan Valley, Rizal, Cagayan.
Habang ang labing isa pang (11) bunkers ng NPA ay nadiskubre sa Barangay Mallig, Flora, Apayao.
Bukod sa mga kutang natunton ng kasundaluhan, nakumpiska rin sa mga iniwang kampo ng NPA ang ilang gamit pandigma, medical paraphernalia, bandila ng NPA at mga subersibong dokumento.
Sa pahayag ng Commanding General, pinuri nito ang malaking accomplishment ng 17th IB dahil malaki aniya ang kontribusyon nito sa kanilang kampanya laban sa insurhensiya hindi lamang sa kanilang nasasakupan kundi ng buong bansa.
Samantala, bumisita rin ang Heneral sa itinayong Detachment ng mga CAFGU Active Auxiliary (CAA) sa barangay Balanni, Sto. Niño, Cagayan upang masuri ang morale at sitwasyon ng mga ito.
Itinayo ang CAA Detachment sa lugar noong taong 2019 dahil na rin sa kahilingan ng mga residente sa lugar upang sila ay mabantayan laban sa banta ng mga teroristang NPA.
Ang Barangay Balanni ay isa sa mga benepisyaryo ng 20 million pesos sa ilalim ng Barangay Development Plan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na kung saan ay idineklara nang ‘cleared’ sa insurhensiya.