Hindi nakatulong ang brokered deal ng Estados Unidos para mapigilan ang pag-okupa ng China sa Panatag Shoal noong 2012.
Ito ang iginiit ni dating Senator Juan Ponce Enrile matapos mawala sa pag-aangkin ng Pilipinas ang nasabing bahura nang umalis ang mga barko ng bansa sa lugar at iniwan ang China doon.
Tanong ni Enrile kung bakit hindi tumulong ang Estados Unidos na kumbinsihin ang China na sumunod sa brokered deal.
“Hanggang ngayon hindi ko masagot kung bakit ‘yong mediator natin ay hindi tayo tinulungan para tumupad naman ang Tsina para doon sa kasunduan na umatras sila kaya ngayon sila ang nakapuwesto doon, tayo nawala,” ani Enrile.
Pagtataka rin niya kung sino ang nagtapik sa US para mamagitan sa standoff.
Aniya hindi malinaw kung ito ba ay si dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario o dating Philippine Ambassador to US Jose Cuisia Jr.
“Sinunod ng Pilipinas ‘yong kasunduan sa ilalim ng mediation ng Amerika pero ang Tsina ay hindi sumunod,” sabi ni Enrile.
Kinuwestyon din ni Enrile kung bakit hindi umaksyon agad ang US kung sila ay mediator.
“Bakit noong hindi tinupad ng Tsina ang kasunduan na umatras din siya, bakit hindi man lang pinagsabihan ng Amerika ang Tsina na tuparin ‘yong kasunduan?” sabi ni Enrile.
“Ang impression kumbaga eh parang ginamit lang tayo doon sa bagay na ‘yon, ano man na interest ang nauukol para sa Amerika hindi ko alam pero ganoon ang impresyon ko,” dagdag pa ng dating mambabatas.
Noong 2012, dalawang barko ng Pilipinas kabilang ang isang naval vessel ay nagkaroon ng standoff sa Chinese maritime surveillance ships sa Panatag Shoal.
Namagitan dito ang US at nanawagan ng sabay-sabay na pag-alis ng mga barko sa lugar para humupa ang tensyon.
Sumunod dito ang Pilipinas pero ang China ay nanatili at may kontrol na sa nasabing teritoryo.