Sa donasyon ngayon umaasa ang Pilipinas para magkaroon ng bivalent COVID-19 vaccines na epektibo laban sa orihinal na strain ng COVID-19 at sa Omicron strain.
Sa briefing ng House Committee on Appropriations ay ipinaliwanag ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na wala pang batas ngayon para sila ay makabili ng bivalent vaccines.
Paliwanag ni Vergeire inalis o nagtapos na ang state of calamity noong December 31, 2022 kaya wala na ring bisa ang COVID-19 Vaccination Law.
Binanggit ni Vergeire, na may parating na mga donasyong bivalent vaccine bago matapos ang Mayo at prayoridad na bibigyan nito ang mga senior citizen at healthcare workers.
Sinabi naman ni Committee Vice Chairperson Marikina Rep Stella Quimbo na bukas ang Kongreso na magpasa ng batas kung kinakailangan para makabili ng bivalent vaccines.