Lubos na ikinalungkot ni Vice President Leni Robredo ang kawawalan ng ‘compassion’ at ‘sense of humanity’ sa pagtrato sa aktibistang si Reina Mae Nasino kasabay ng libing ng kanyang anak na si baby River nitong Biyernes.
Si Nacino ay nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and explosives at nabigyan siya ng Manila Court ng three-day furlough pero binawi ito at naging anim na oras na lamang.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na isang ‘overkill’ ang bilang ng security personnel na nag-escort kay Nasino.
“Nakita natin iyong mga litrato, nakita natin iyong footages. Hindi natin alam kung bakit ganoon kagrabe iyong response, eh iyong nanay nag-iisa, gustong makita iyong anak niyang namatay,” sabi ni Robredo.
Iginiit ni Robredo na dapat alam ng mga pulis at jail personnel ang malalim na relasyon sa pagitan ng isang ina at anak nito.
“Nasaan iyong compassion, nasaan iyong humanity? Iyon ‘yong hindi natin maintindihan. Sobrang nakakadurog ng puso,” ani Robredo.
Ipinunto ni Robredo ang hindi pantay-pantay sa pagbibigay ng pribilehiyo sa mga nakakulong at nakabatay pa rin ito sa estado ng pamumumuhay.
“Iyon pinakapunto ko dito, parang hindi pantay iyong pagbigay ng pag-intindi, hindi pantay iyong pagbigay ng privileges sa mga mayroon kaysa sa wala,” giit ni Robredo.
Si Nacino ay nakadalo sa libing ng kaniyang anak habang nakaposas at naka-full personal protective equipment, kasama ang nasa 50 prison guards at policemen na idineploy sa burial rites.
Si baby River ay inihimlay sa Manila North Cemetery nitong Biyernes matapos bawian ng buhay dahil sa respiratory failure sa Philippine General Hospital.
Una nang iginiit ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi ‘overkill’ ang presensya ng mga awtoridad sa libing.