Kawalan ng disenteng pabahay ng maraming Pilipino, balakid sa pag-angat ng ekonomiya

Naniniwala si House Speaker Lord Allan Velasco na hadlang sa paglago ng ekonomiya ang patuloy na paghihirap ng mga mamamayan at hindi pagkakaroon ng sariling tahanan.

Ito ang pahayag ni Velasco sa ginanap na Housing Summit sa Bulacan, kung saan sinabi nito na kung patuloy na maiiwan ang maraming mga Pilipinong walang sarili at disenteng bahay, hindi natin makakamit ang pag-angat ng ekonomiya at urbanisasyon.

Para matugunan ang problemang ito ay inilunsad ng pamahalaan ang National Shelter Program kung saan hindi lamang ito basta pabahay kundi mayroon itong maayos na imprastraktura tulad ng mga paaralan, ospital, palengke at mga kalsada.


Aniya pa, pinag-aralan na rin ng Kamara ang pagbuo ng maayos na komunidad kung saan prayoridad ang pagtatayo ng onsite, in-city at near city local government resettlement program.

Nauna rito ay idineklara ng House Committee on Housing and Urban Development sa pamamagitan ng isang resolusyon ang housing crisis sa bansa kung saan sa pagtaya ay aabot sa 6.7 milyon ang backlog sa pabahay ng pamahalaan hanggang sa matapos ang taong 2022.

Tiniyak naman ni Housing and Urban Development Vice Chair Florida Robes, na uubusin ang backlog sa pabahay sa loob ng tatlo hanggang limang taon.

Dagdag pa rito ay sinusuri na rin ng gobyerno kung ano ang gagawin sa mga pabahay na hindi naman nililipatan ng mga beneficiaries nito.

Facebook Comments