Kawalan ng electronic payroll system, dahilan kaya hindi agad maibigay ang ayuda sa mga manggagawa

Inoobliga ni ACT-CIS Partylist Representative Jocelyn Tulfo ang mga employers na magkaroon na ng electronic payroll system para sa lahat ng mga empleyado at manggagawa anuman ang status nito sa trabaho.

Paliwanag ni Tulfo, natuklasan na karamihan sa mga employers na nag-avail ng one-time aid relief na P5,000 sa DOLE ay wala palang electronic payroll system dahilan kaya hindi rin maibigay agad sa mga manggagawa ang ayuda mula sa pamahalaan.

Ito aniya ang pinaka-basic na labor standards para sa compensation at benefits na dapat ay sinusunod ng lahat ng mga kumpanya.


Giit ni Tulfo, sa ngayon ay maaaring bigyan ng amnestiya ang mga employers ngunit kaakibat nito ang pagsunod sa mahigpit na probisyon ng pagkakaroon ng minimum standard sa electronic payroll.

Sinabi ng kongresista na dapat tiyakin ng DOLE na masusunod ang electronic payroll para sa lahat ng empleyado ng pribadong sektor ito man ay regular, probationary, contractual, contractors, subcontracted, at casuals.

Hiniling din ng mambabatas na i-require sa mga kumpanya at mga negosyo ang pagkakaroon ng electronic payroll para sa pagpaparehistro at renewal bilang pagsunod na rin sa Ease of Doing Business Act.

Facebook Comments