Kawalan ng funding support ng gobyerno sa PUV Modernization Program, inupakan

Manila, Philippines – Humihingi ang grupong 1-UTAK sa administrasyong Duterte ng pantay na trato sa sektor ng transportasyon.

Ayon kay Vigor Mendoza, Chairman ng 1-UTAK, kung kaya ng gobyerno na maglaan ng bilyon-bilyong piso para sa direct support programs ng mga magsasaka, dapat ay ganito rin ang gawin sa transport sector.

Sa Saturday Forum sa Quezon City, sinabi ni Mendoza na wala pa ring funding support ang hanay ng transportation.


Wala pa aniyang isang porsyento ang mga jeepney naisailalim sa modernisasyon magmula nang ilunsad ang PUV MODERNIZATION PROGRAM ng Department of Transportation (DOTr).

Aniya, dapat ay direktang pakinabangan ng transport sector ang kita mula sa excise tax.

Sinabi pa ni Mendoza na sa bawat sampung bilyong piso kada taon na manggagaling sa bahagi ng excise tax, nasa 50,000 na mga pampasaherong jeepney na ang maisasailalim sa modernization.

Kung mangyari aniya ito ay hindi na palaging ang sector ng transportasyon na lamang ang tagasalo ng pasanin partikular sa panahon na sunod-sunod ang pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Facebook Comments