Kawalan ng indemnification law, dahilan ng pagkakaantala ng Pfizer vaccines – Galvez

Iginiit ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na ang kawalan ng indemnification laws sa bansa ang dahilan ng pagkakaantala ng delivery ng COVID-19 vaccines na gawa ng Pfizer-BioNTech sa Pilipinas.

Sa ilalim ng nasabing batas, tinitiyak nito na mayroong compensation sa mga indibidwal na magkakaroon ng side effects matapos mabakunahan.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Galvez na makakarating ng maaga sa bansa ang COVID-19 vaccines ng Pfizer kung mayroon lamang indemnification law ang Pilipinas.


Umaapela si Galvez sa Kongreso na ipasa ang naturang batas, dahil requirement ito ng COVAX Facility, Gavi vaccine alliance at ng Coalition for Epidemic Preparedness Innovations.

Nagsumite na ang pamahalaan ng draft ng indemnity clause sa WHO at sa Gavi.

Kaugnay nito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na sasagutin ng PhilHealth ang mga indibiduwal na magkakaroon ng adverse effects mula sa COVID-19 vaccines, pero ang pondo para rito ay hindi kasama sa corporate operating expenses ng ahensya para sa taong ito.

Ang Pilipinas ay inaasahang makakatanggap ng 5.6 million doses ng Pfizer at AstraZeneca sa first quarter ng taon, ang initial batch na nasa 117,000 doses ng Pfizer ay nakatakdang dumating ngayong buwan.

Noong nakaraang buwan, dalawang panukalang batas na layong magtatag ng indemnity fund para sa vaccine-related injuries ang inihain sa Senado.

Facebook Comments