Hindi katanggap-tanggap kay Committee on Energy Chairman Senator Sherwin “Win” Gatchalian ang aniya’y mistulang pagwawalang-bahala ng mga opisyal ng Department of Energy (DOE) na maiwasan ang pagkakaroon ng rotational brownout sa darating na eleksyon.
Dismayado si Gatchalian sa mga naging pahayag ni DOE Secretary Alfonso Cusi kamakailan kung saan hindi naging malinaw kung masisiguro ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente.
Sabi ni Gatchalian, ito ay kahit may pagtataya na sila ngayon pa lamang ng posibleng kakulangan sa mismong araw ng halalan at mga kasunod nitong mga araw sa Mayo ng susunod na taon.
Ayon kay Gatchalian, importante ang maging proactive. Dagdag pa niya, dapat ngayon pa lang ay naglalatag na ng mga hakbangin at naghahanap na ng solusyon ang DOE upang maiwasan ang pagkakaroon ng brownouts pagdating ng halalan.
Giit ni Gatchalian, kaya mayroong DOE ay para masiguradong mayroong kuryente mula umaga hanggang gabi.