Kawalan ng katiyakan sa pondo ng Bayanihan 3, pinangangambahan ng isang kongresista

Nababahala si House Deputy Speaker at Davao City Rep. Isidro Ungab sa sitwasyon ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 3.

Sa ilalim ng Bayanihan 3 Bill ay mangangailangan ng P405.6 billion na pondo.

Gayunman, nababahala si Ungab sa kawalan ng malinaw na commitment ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF) at ang Bureau of Treasury para mapondohan ang panukala at mabigyan ng certificate of funds availability.


Nilinaw ni Ungab na hindi siya tutol sa lifeline package at sa katunayan ay handa siyang bumoto pabor dito.

Nais lamang ng kongresista na matiyak na may siguradong pondong makukuhaan sa ilalim ng Bayanihan 3.

Nakasaad sa batas na kailangan ang certificate of funds availability mula sa Treasury para mapondohan ang standby funds para sa phase 2 at phase 3 ng Bayanihan 3.

Sakali aniyang wala ito ay walang paghuhugutan para mapondohan ang panukala at wala ring ayudang matatanggap ang mga Pilipino.

Facebook Comments