Kawalan ng kuryente sa Cebu City matapos ang 6.9 magnitude na lindol, agad na tutugunan ng DOE

Agad na tutugunan ng Department of Energy (DOE) ang problema sa kawalan ng kuryente sa Cebu matapos na yanigin ng magnitude 6.9 ang Bogo City at mga kalapit na lalawigan.

Ito ang tiniyak ni Energy Secretary Sharon Garin sa pagsalang nito sa pagdinig ng kumpirmasyon ng kanyang ad interim appointment sa komite ng Commission on Appointments (CA).

Ayon kay Garin, nangyari lamang kagabi ang lindol sa Cebu kaya kailangan muna nilang maghanda at bumuo ng team na ipapadala sa lugar.

Posibleng sa Biyernes pa makakarating ang team na aayos sa kuryente sa lugar dahil ibabyahe pa ang mga heavy equipment at mangangailangan ng isa o dalawang araw bago makarating sa lalawigang sinira ng lindol.

Ang task force na magtutulong-tulong para sa pagaayos ng electricity supply sa Cebu ay bubuuhin ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), National Power Corporation (NAPOCOR), National Transmission Corporation (TransCo), National Electrification Administration (NEA), oil companies, at DOE.

Facebook Comments