
Tinukoy ni Department of Economy, Planning and Development (DepDev) Secretary Arsenio Balisacan na isa sa dahilan ng pagiging talamak ng mga ghost at substandard flood control projects ay ang kawalan ng monitoring at evaluation ng mga proyekto.
Sa pagdinig ng budget ng DepDev sa Senado, sinabi ni Balisacan na pagkatapos ng termino ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong 2015 ay itinigil na ang pagpopondo sa monitoring at evaluation ng mga proyekto ng noo’y NEDA.
Nakatulong aniya ang mga pag-aaral para matiyak ang kalidad ng mga imprastraktura at programa.
Hanggang ngayon aniya ay walang ibinibigay na suporta para sa mga pag-aaral na gumagawa ng impact assessment at monitoring assessment ng mga natapos at ongoing na proyekto dahilan kaya nauulit lamang ang mga pagkakamali.
Iginiit pa ni Balisacan na hindi naman mahal ang pagsasagawa ng monitoring at evaluation at katunayan, maraming mahuhusay na unibersidad sa buong bansa na maaaring maging katuwang ng mga research institutions sa pag-aaral upang maiwasan ang pagkasayang ng mga programa at proyekto.









