Kawalan ng namamahala sa medical logistics ngayong may pandemic, pinuna ni Senator Binay

Disyamado si Senator Nancy Binay na mahigit isang buwan ng umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) pero wala pa ring namamahala ng medical supplies para sa mga frontliners at ospital.

Diin ni Binay, dapat may itinalaga ang gobyerno na point-person na siyang tututuok sa paghahanap, koordinasyon, pagbili, pagtitipon at pamamahagi ng mga medical supplies na kailangan ngayong may pandemic.

Katwiran ni Binay, matagal ng dapat may tao na mag-aasikaso at titiyak na may sapat na testing kits, personal protective equipment o PPEs, swabs, face masks, ventilators, mga kama at iba pang kagamitan para sa laban sa COVID-19.


Ipinaalala ni Binay na noong Enero ay inihayag ng Department of Health (DOH) na ito ang nangunguna sa sitwasyon at may pondong ₱2.25 billion kung saan ang ₱10 million ay pambili ng PPE at masks para sa 5,000 health workers pero makalipas ang apat na buwan ay tila walang nangyari.

Ang pagkukulang na ito ng pamahalaan ang nakikita ni Binay na dahilan kung bakit madaming doktor at health workers ang tinatamaan ng COVID-19.

Facebook Comments