Sa budget deliberations ng Senado ay lumitaw na hindi pa makapag-ambag ang Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR at Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO sa Universal Health Care (UHC) Program ng PhilHealth.
Ayon kay Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson, ito ay dahil wala pang operational guidelines na inilalabas ang Department of Health o DOH kahit 2019 pa ito naisabatas.
Itinatakda ng UHC law na ang 50% ng share dito ng national government ay magmumula sa PAGCOR habang ang 40% naman ay mula sa PCSO.
Noong 2019 ay nag-remit na ang PAGCOR sa Bureau of Treasury ng ₱17.7 billion pero natengga lang ito at hindi maibigay sa UHC dahil sa kawalan ng operational guidelines.
Ayon kay Lacson, nakakapanghinayang ito lalo’t kailangan ang malaking pondo dahil sa COVID-19 pandemic.
Sabi naman ni Senator Pia Cayetano na syang nagdedepensa sa ₱212.7 billion na proposed 2021 budget ng DOH, mayroon nang operational guidelines pero pinag-aaralan pa ng Department of Budget and Management at ng Department of Finance.