
Mag-uusap-usap ang mga kongresista kaugnay sa kawalan ng alokasyon para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa ilalim ng National Expenditure Program o NEP para sa susunod na taon.
Diin ni House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija 1st district Rep. Mikaela Suansing, kailangang magkaroon sila ng nagkakaisang desisyon kaugnay sa isyu ng AKAP.
Para kay Suansing, nakita sa mga nakaraang taon ang malaking naitulong ng AKAP sa constituent ng mga kongresista lalo na sa mga hindi saklaw ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.
Sa pagsumite ng NEP sa Kamara ay ipinaliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na walang pondo para sa AKAP sa 2026 dahil may natitira pa itong pondo sa ilalim ng 2025 budget.









