Dismayado si Albay Rep. Edcel Lagman sa kawalan ng pondo ng Department of Education (DepEd) sa 2022 para sa implementasyon ng Mandatory Age-Appropriate Reproductive Health Education.
Nabatid na sa pagtatanong ni Lagman noong budget hearing ay umamin ang DepEd na walang inilaang pondo rito sa ilalim ng 2022 national budget.
Sa kabila nito, mayroon namang inilaan na P845,000 sa learners support program ng ahensya para sa Adolescent Reproductive Health Program.
Pero punto ni Lagman, napakaliit na halaga nito kumpara sa napakalaking responsibilidad na naka-atang sa DepEd para ipatupad ang programa.
Kasabay nito ay natanong din ni Lagman kung mayroon na pang curriculum na nabuo kung saan nakapaloob ang pagtuturo ng reproductive health.
Samantala, ang curriculum kung saan nakapaloob ang pagtuturo ng reproductive health ay kasalukuyang ipinapatupad sa pamamagitan ng comprehensive sexuality education curriculum kung saan integrated o kasama ang pagtuturo ng reproductive health sa mga subject tulad ng MAPEH, Araling Panlipunan at Science and Personality Development.