*Cauayan City, Isabela*- Sa kabila ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon ay kasabay nito ang mahigpit na pagbabantay sa publiko na lalabas ng kani-kanilang bahay upang makaiwas sa posibleng pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay City Mayor Bernard Dy, ipinapatupad pa rin ang paglabas ng bahay subalit isang miyembro lamang ng pamilya ang kinakailangang lumabas upang mamili ng ilang importanteng bagay gaya ng pagkain, gamot at pagpunta sa mga grocery store.
Sakaling payagan na makabili ng mga kakailanganin ay tiyakin lamang aniya ang mga resibo o patunay na ang isang tao ay bumili at mangyaring itago dahil posibleng hanapin ito na siyang magpapatunay sa totoong rason ng paglabas ng isang indibidwal.
Samantala, tiyakin din ang pagsusuot ng facemask kung lalabas ng bahay dahil maaring mapatawan ng parusa ang lalabag ng walang suot na facemask.
Nilinaw din ni Dy na posibleng maaresto ang sinumang hindi makikitaan ng resibo sakali man na ito ay hingin ng awtoridad dahil sa paglabas ng kanilang mga bahay.
Hinimok din nito ang publiko na tumalima sa mahigpit na pagpapatupad sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.