Inumpisahan na ng Senate Committee on Finance na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara ang pagtalakay sa panukalang 2021 national budget na nagkakahalaga ng mahigit ₱4.5 trillion na mas mataas ng 9.9% sa budget ngayong taon.
Nangunguna sa top 10 agencies na nakakuha ng malaking pondo ang Department of Education (DepEd), Deparment of Public Works and Highways (DPWH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND) at Department of Health (DOH).
Ayon kay Budget Secretary Wendell Avisado, 36.9% ng 2021 budget o ₱1.66 trillion ay para sa social services, 29.9% o halos ₱1.35 trillion ay para sa economic services, 4.7% ay sa defense sector, 16.1% sa general public services at 12.4% ang pambayad sa utang ng bansa.
Tiniyak din ni Avisado na ang pambansang budget sa susunod na taon ay tutugon sa pangangailangan ng bansa na dulot ng pandemya.
Kinuwestyon naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang paglalaan ng ₱16.4 billion para sa lilikhaing national task force to end armed conflict.
Tanong ni Drilon, mas malaking banta ba sa bansa ang communist insurgency kaysa sa tumaas na unemployment, mga na-displaced na Overseas Filipino Workers (OFW) at pagsasara ng industriya ng turismo dahil sa pandemya.
Baka aniya magamit lang ang malaking pondo sa darating na eleksyon.
Pinuna rin ni Drilon ang ibinaba na budget ng DOH sa ₱131 billion mula sa kasalukuyang ₱153 billion.
Inusisa rin ni Drilon kung bakit walang Social Amelioration Program o SAP fund sa susunod na taon.
Paliwanag naman ni Avisado, wala na ang SAP dahil ang iiral ay ang mga regular program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para matulungan ang mga nangangailangan.
Si Senator Risa Hontiveros naman ay kwinestyon ang maliit na budget na ₱2.5 billion na pambili ng bakuna laban sa COVID-19 na para lang sa 3 milyong mahihirap na pamilya.
Giit ni Hontiveros, dapat ay ₱189 billion ang ilaang pondo dahil nasa 18 milyon ang mahihirap na pamilya sa bansa.