Ipinagmalaki ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga ginagawa nitong hakbang para mapabuti ang kalidad ng internet sa bansa at masugpo ang mga krimen tulad ng hacking at scamming.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DICT Assistant Secretary Anna Mae Lamentillo-Paraiso na ang pribadong sektor sa pamamagitan ng Private Sector Advisory Council (PSAC) ay nakikipagtulungan sa pamahalaan upang mapababa ang presyo ng internet at mapaganda ang kalidad nito.
Ngunit sa usapin ng hacking at scamming, binigyang-diin ni Paraiso na ang kawalan ng sapat na kaalaman ng mga Pinoy sa tamang paggamit ng internet ang nananatiling malaking hamon dito.
Bilang tugon, sinabi ng opisyal na pinalalakas ng DICT ang kanilang information drive at educational campaign upang turuan ang publiko ukol sa ligtas at tamang paggamit ng internet.
Sa tulong aniya ng iba’t ibang programa at plataporma, layon nilang mabawasan ang mga insidente ng scamming.
Pagdating naman sa hacking, inamin ni Paraiso na ito ay hindi lamang problema ng Pilipinas kundi isang global issue.