Nananawagan si Vice President Leni Robredo sa awtoridad na namamahala sa Manila Bay White Sand Baywalk na maglatag ng polisiya para maiwasan ang pagsisiksikan ng mga nagpupunta sa lugar.
Kasunod ito ng pagdagsa ng mga tao sa temporary opening ng Manila Bay White Sand Baywalk kahapon kung saan halos hindi na nasunod ang social distancing.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN, iginiit ni Robredo na hindi dapat mabalewala ang physical distancing lalo’t hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19.
Pinayuhan din niya ang mga pumapasyal sa baywalk na magdoble-ingat.
“Yung white sand dun sa Manila Bay, parang nakakatakot tingnan kasi walang social distancing, talagang siksik yung mga tao. Eto yung hindi na mababawi e, pag naghawaan hindi na natin mababawi. Pero sana moving forward, makaisip ng way na kahit may mga pumapasyal dun, siguraduhin pa rin yung physical distancing. Kahit paunti-unting bumabalik sa normal, mas doble-ingat ngayon,” ani Robredo.
Kahapon, kasabay ng pagdiriwang ng International Coastal Cleanup Day, nagtipun-tipon ang ilang kawani ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno para buksan ang bahagi ng Manila Bay na nilatagan ng dolomite sand bilang bahagi ng rehabilitation efforts dito na nagkakahalaga ng 28 milyong piso.