Kinastigo ni Leyte Rep. Richard Gomez ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) dahil sa umano’y kawalan ng tansparency and accountability sa decommissioning ng Moro Islamic Liberation Front o MILF combatants.
Inihayag ito ni Gomez sa House briefing ukol sa state of the peace process and peace and order situation sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Nagtataka si Gomez na daan-daang milyong piso ang inilalaan ng pamahalaan para mapabuti ang pagbabalik sa normal na pamumuhay ng mga decomissioned combatant ngunit nakapagtataka na walang hawak na general list ng mga surrenderee ang OPAPRU.
Giit ni Gomez, dapat na mas naging mapagbantay ang OPAPRU sa pagbibigay-katiyakan na hindi madedehado ang pamahalaan sa pagpapatupad ng normalization track ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at MILF.
Paliwanag ni Gomez, napakahalaga na magkaroon ng accountability o pananagutan sa paggastos sa pondo ng gobyerno dahil hindi maaaring basta na lamang maglaan at maglabas ng pondo nang hindi nalalaman kung sino ang mga tatanggap ng suporta at kung sino ang nag-avail ng decommissioning program ng pamahalaan.