Humihiling ang Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP) sa Philippine National Police (PNP) ng isang dayalogo hinggil sa kontrobersyal na pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang miyembro ng media.
Sinabi ni KBP President Herman Basbaño na dapat idaan na lang sa pag-uusap ang usapin ng seguridad ng mga mamamahayag.
Para kasi kay Basbaño ay alanganin ang ginagawa na pagbisita ng mga kapulisan sa bahay ng ilang taga-media, kaya dapat aniya na mapag-usapan ito para makabuo ng maayos na hakbang para sa proteksyon ng media.
Una nang sinabi ni NCRPO Spokesperson PLt. Col. Dexter Versola na walang profiling o surveillance na ginawa sa mga media.
Samantala, kinumpirma ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na ipinatigil na nila ang pagbisita ng mga pulis sa tirahan ng mga miyembro ng media.
Dagdag pa ni Fajardo, nananatili silang bukas sa mga suhestiyon ng media, kung paano sila mapoprotektahan nang may paggalang sa kanilang karapatang pantao.