Naniniwala ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na malaking bagay ang demo na ginawa ng Commission on Elections (Comelec) katuwang ang KBP sa Automated Counting Machines (ACM) na gagamitin sa darating na 2025 National and Local Elections.
Ayon kay KBP President Noel Galvez, ang pagpili ng Comelec sa KBP ay nagpapatunay lamang na bukas at tiwala ang ahensya sa pagpapakalat ng tamang impormasyon sa pamamagitan ng media platforms.
Aniya, ang KBP din ang kauna-unahang nakakita at sumubok sa bagong makina na kararating lamang ng Pilipinas mula South Korea.
Kanina lang nang subukan ng mga opisyal ng KBP ang ACM at nakita nilang maganda naman ang naging resulta nito bukod sa mabilis pa.
Kung maaalala, naihatid nang matagumpay ang mga makina at nakapasa sa Hardware Acceptance Test (HAT) na isinagawa sa bodega sa Sta. Rosa, Laguna.
Kasama sa proseso nito ang pag-unpack, pag-on sa ACM unit at pagpapatakbo ng iba’t ibang diagnostics upang matiyak na gumagana nang maayos ang bawat bahagi ng machine alinsunod sa mga detalye at utos ng Commission on Elections.