Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang alegasyong sangkot pa rin sa illegal drug trade ang self-confessed drug distributor na si Kerwin Espinosa kahit nasa kustodiya ng pamahalaan.
Nabatid na iniulat ni Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido na si Espinosa ang nasa likod ng illegal drug operations sa Pampanga, Cavite, Bulacan, Pasay City, at Taguig City.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, posibleng maapektuhan ang status ni Espinosa sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan sakaling mapatunayang totoo ang alegasyon.
Si Kerwin ay anak ni dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na pinatay sa kanyang selda sa Leyte noong Nobyembre 2016.
Nahaharap si Kerwin sa patong-patong na kaso sa iba’t ibang korte, kabilang ang drug trade conspiracy kasama ang convicted drug lord na si Peter Co at negosyanteng si Peter Lim.