Binalikan sa huling episode ng season 1 ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko ang key messages patungkol sa tamang nutrisyon na ipinarating ng National Nutrition Council sa ating mga tagapakinig.
Kasama ang mga host na sina Zhander Cayabyab at Ms. Jovie Raval ng National Nutrition Council, muling binalikan ang mga makabuluhang discussion patungkol sa tamang nutrisyon mula sa pagbubuntis ng isang ina, sanggol hanggang sa pagtanda.
Sa episode 4 at episode 7, ibinahagi ng programa ang tamang nutrisyon sa mga buntis, breastfeeding program at nutritional services na ibinibigay ng barangay para sa mga buntis.
Layon nitong matiyak ang tamang nutrisyon sa mga nanay at sanggol sa kanyang sinapupunan lalo na sa pagsisimula ang unang isang libong araw ng sanggol upang lumaki itong malusog.
May episode rin na tumalakay naman sa kalusugan ng mga bata para maiwasan ang pagkabansot, sobrang taba o obese at micronutrient deficiency.
Tumutok naman sa episode 24 ang diet ng adolescence o young adult at mga kailangan nilang wasto at tamang nutrisyon upang makaiwas sa mga sakit habang tamang nutrisyon naman sa ating mga lolo at lola ang pinag-usapan sa episode 11 ng programa.
Bukod sa mga ito, tinalakay rin ng Nutrisyon mo, Sagot ko ang mga nutritional issue at concern sa panahon ng kalamidad at tamang pagkain tuwing holiday season.