Key policy rate ng BSP, nananatili sa 6.25%

Sa ika-apat na pagkakataon, napanatili ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang key policy rate nito sa 6.25%.

Sa rate-setting meeting ngayong araw, nagpasya ang Monetary Board na huwag ibaba o itaas ang naturang key policy rate.

Ayon kay BSP Governor Eli Remolona, isinaalang-alang ng Monetary Board ang epekto ng mga pagtaas ng bilihin sa ekonomiya para sa naturang desisyon.


Nagtaas din aniya ang BSP ng interest rate upang patatagin ang inflation.

Ang mas mataas aniya na high borrowing cost ay maaaring mag-udyok sa mga mamimili at negosyo na gumastos ng mas kaunti, na kalaunan ay magpapababa sa demand at mga presyo ng bilihin.

Matatandaang noong Marso pa ang pinakahuling beses na nagtaas ng policy rate ang Board, nang tumaas ito ng 25 basis points (bps).

Matapos pataasin ng BSP ang rates nito sa 425 bps mula noong Mayo 2022, ay nagsimulang bumaba ang inflation sa bansa, na umabot sa 4.7% noong Hulyo.

Samantala, bagama’t ang year-to-date na inflation ay nasa 6.8% pa rin, naniniwala ang mga opisyal ng BSP na ito ay babagsak sa target ng gobyerno na 2% hanggang 4% sa ikaapat na quarter ng 2023.

Facebook Comments