Manila, Philippines – Ikinatuwa ng nga senador ang hatol na guilty ng Caloocan Regional Trial Court laban sa tatlong pulis na sangkot sa pagpatay sa binatilyong si Kian Delos Santos noong August 2017.
Diin ni Senator Risa Hontiveros, isa itong ilaw sa gitna ng kadiliman at maituturing na tagumpay para sa katarungan at sa lahat ng lumalaban para tapusin na ang kultura ng patayan sa ating bayan.
Nakita naman dito ni Senator Bam Aquino ang lakas ng taumbayan kapag nagkakaisang nagbabantay at may iisang boses para sa sinuman na inosente at inaapi ng walang laban.
Gayunpaman, iginiit ni Aquino na hindi lang ang tatlong pulis ang pumatay kay Kian kundi ang isang marahas na polisiya kung saan dehado ang mga maliliit at mahihirap.
Para naman kay Senator Grace Poe, ang pasya ng korte ay nagsasabing may maaasahang katarungan, hindi lang para kay Kian, kundi para sa ibang kahina-hinalang pagkamatay kaugnay sa laban sa droga.
Sabi naman ni Senator Francis Kiko Pangilinan, isa itong patunay na totoo ang karahasan at pagsisinungaling ng ilang myembro ng kapulisan at pagbasag din sa madalas nilang palusot na nanlaban ang mga inaaresto nilang suspek kaya nila napatay.
Umaasa naman si Senator Joel Villanueva, na hindi nagtatapos sa pamamagitan ng hatol ang korte ang isyu ukol sa Extra Judicial Killings o EJK, kaya dapat ay repasuhin na ng Philippine National Police (PNP) ang pinapatupad na war on drugs ng administrasyon at hanapan ng mas mainam na solusyon ang problema sa ilegal na droga.