Magsasampa muli ng kasong kidnapping ang Philippine National Police (PNP) laban kay dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo at ang kanyang mga kasama na tumangay sa labing-apat na menor de edad mula sa Salugpungan School sa Davao del Norte.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde.
Paliwanag ni Albayalde hindi dinismiss ang unang kaso ng kidnapping na isinampa ng PNP laban sa grupo, sa halip hindi lang ito tinanggap ng piskal.
Kaya naman ay i-re-refile nila ang kaso, kasama ang pormal na reklamo ng ilang mga magulang ng bata na tinangay umano ng grupo ni Ocampo.
Bukod pa rito, ang iba pang mga ebidensya na magpapatibay sa kaso laban sa mga ito.
Itinanggi naman ni Albayalde na nag-iimbento lang sila ng kaso laban kay Ocampo.
Hindi aniya maaring mangyari na magsampa ng kung anu-anong kaso ang PNP laban sa kanino man nang walang lehitimong complainant.