Manila, Philippines – Kinasuhan na sa korte ng Department of Justice (DOJ) ang isang duktor at 53 miyembro ng Maute.
May kinalaman ito sa pagdukot sa anim na manggagawa ng sawmill sa Lanao Del Sur noong 2016 kung saan dalawa sa mga biktima ay pinugutan.
Kabilang sa mga kasong isinampa ng DOJ laban sa grupo ni Dr. Russel Langi Salic ang four counts ng kidnapping at serious illegal detention , at two counts ng kidnapping at serious illegal detention with murder.
Ang kaso ay inihain sa Malabang, Lanao del Sur Regional Trial Court.
Si Dr. Salic, isang orthopedic surgeon, ay suspek din sa planong pag-atake sa New York City sa Amerika sa pamamagitan ng pagpapadala ng pondo.
Mayroong nakabinbing extradition request ang US para kay Salic na nakakulong sa National Bureau of Investigation (NBI) detention center.
Bukod kay Salic, naaresto na rin ng mga otoridad ang tatlong iba pang respondents sa pagdukot noong 2016 sa Butig, Lanao del Sur na sina TJ Tagadaya Macabalang, Wendell Apostol Facturan, at Musalli Musta na nakakulong naman sa Davao City Jail.