Duda ang ilang mga senador na posibleng may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ang kidnapping at pagpatay sa isang Filipino-Chinese businessman sa Quezon City.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, hindi imposibleng ang mga suspek na dumukot at pumatay sa negosyanteng Fil-Chinese na si Mario Uy ay mga gang na konektado sa industriya ng POGO.
Aniya, ang karumal-dumal na krimen na ito ay hindi nalalayo sa mga karahasang nangyayari sa POGO industry.
Hinimok ni Zubiri ang Philippine National Police (PNP) na silipin ang posibilidad na ito.
Samantala, sinabi naman ni Senator Risa Hontiveros na hindi na kagulat-gulat kung ang krimeng ito ay may kaugnayan sa POGO.
Napatotohanan aniya sa napakaraming imbestigasyon ng Senado na puro krimen lang naman ang hatid ng online gambling kaya hindi na magtataka kung ang karahasan ay may kinalaman sa POGO.
Giit ni Hontiveros, sakaling mapatunayang POGO-related ang pagdukot at pagpatay sa negosyante, mas lalo lamang palalakasin nito ang panawagan para tuluyang sipain palabas ng bansa ang mga POGO.