KILALANG MOTOVLOGGER MULA PANGASINAN, PATAY SA VEHICULAR SELF-ACCIDENT SA BAYAN NG SAN NICOLAS

Nasawi ang Isang kilalang motorcycle vlogger matapos bumangga sa gutter ng kalsada sa Villa Verde Road, Brgy. Sta. Maria East, San Nicolas, noong Pebrero 1, 2026 bandang ala-una ng hapon.

Itinuring ng pulisya na self-accident ang naturang insidente.

Sa naging panayam ng IFM News Dagupan kay PMAJ George D. Banayos Jr., Acting Chief of Police ng San Nicolas PS, mabilis ang takbo ng motorsiklo pababa ng kalsada, dahilan ng pagkawala ng driver ng kontrol sa manibela na nagresulta sa pagliko nito pakaliwa at pabangga sa gutter.

Ayon pa sa isang saksi, sumabit umano ang katawan ng biktima sa isang wire, dahilan upang hindi ito tuluyang mahulog sa bangin.

Agad namang rumesponde ang kapulisan matapos makatanggap ng 911 call at binigyan ng paunang lunas ang biktima habang nakikipag-ugnayan sa MDRRMO para sa agarang pagresponde ng ambulansya.

Isinugod ang biktima sa isang pagamutan sa bayan ng Tayug, ngunit idineklara itong dead on arrival.

Kinumpirma ng pulisya na ang biktima ay residente ng Brgy. Tobor, Malasiqui, Pangasinan at kilalang motovlogger sa lalawigan.

Naisauli na sa mga kaanak ang motorsiklo at personal na gamit ng biktima, habang muling pinaalalahanan ang publiko ng dobleng mag-ingat sa kalsada upang maiwasan ang pagkakasangkot sa anumang uri ng aksidente.

Facebook Comments