Solano,Nueva Vizcaya – Nakaligtas ang isang kilalang negosyante matapos pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa corner ng Bintawan Road at Aggub Road sa Purok 2, Brgy. Lactawan, Solano Nueva Vizcaya, pasado alas nuebe ng gabi nitong nakaraang Sabado.
Sa ibinahaging impormasyon ng PNP Solano, kinilala ang negosyante na si Francisco Granada, animnapu’t siyam na taong gulang at residente ng Purok 3, Brgy. Aggub, Solano, Nueva Vizcaya.
Batay sa pangyayari, habang papauwi umano si Granada sa kanyang bahay sakay ng Isuzu Trooper at nang makarating sa corner ng Bintawan at Aggub Road ay biglang sumulpot umano ang mga armadong suspek at pinagbabaril ang bikrima.
Nagtamo ng tama ng baril sa kaliwang bahagi ng leeg si Granada na nagawa pang lumayo sa lugar ngunit bumangga ang kanyang sasakyan sa nakaparadang tricycle na nasa gilid ng daan, samanatalang lumayo naman kaagad ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Itinakbo sa pinakamalapit na ospital si Granada para sa karampatang lunas nito.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa malaman ng kapulisan ang motibo ng pamamaril sa negosyanteng si Francisco Granada.