KILOS PROTESTA | Higit 1,000 empleyado ng NutriAsia, nawalan ng trabaho

Aminado ang pamunuan ng NutriAsia na nagdulot ng malaking abala sa kanilang operasyon ang pagbabarikada ng mga raliyista sa kanilang planta sa Bulacan.

Sa interview ng DZXL 558 kay NutriAsia Spokesperson Thelma Meneses, aniya, 1,100 empleyado nila na hindi naman kasama sa rally ang nawalan ng trabaho.

Dalawang buwan kasing sarado ang kanilang planta dahil sa pagbabarikada ng mga protestante na nagresulta rin ng pagkasira ng ilan nilang makina.


Kinondena rin ng kompanya ang nangyaring bayolenteng dispersal sa mga raliyista pero nanindigan silang nanguna sa gulo ang grupong Kadamay.

Katunayan aniya, sa tulong ng DOLE ay nagkakaroon na sila ng maayos na pakikipag-usap sa mga empleyado nito pero nangialam lang ang Kadamay.
Matatandaang ilang linggo nang nagpo-protesta sa NutriAsia ang mga empleyado nito dahil sa umano ay pagpapatupad nito ng labor-only contracting at mababang pasahod.

Facebook Comments