
Nagkasa ng kilos-protesta ang iba’t ibang grupo ng mga manggagawa sa Mendiola, Maynila bilang pagkondena sa tila walang hakbang o plano ng pamahalaan para masolusyunan ang kasalukuyang problema ng bansa.
Unang nagtipon-tipon sa Recto ang All Workers Unity bago nag-martsa patungong Mendiola para doon isagawa ang programa.
Panawagan ng grupo, itaas sa P1,200 ang arawang sweldo ng manggagawa lalo na’t tumataas na rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang produktong petrolyo.
Giit nila, tila walang hakbang o plano ang pamahalaan sa mga sektor ng manggagawa na lubos na apektado sa nangyayaring kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Paliwanag ng iba’t ibang grupo, dapat ay may nakalatag na konkretong programa ang kasalukuyang administrasyon kung saan hindi sapat ang pansamantalang ayuda na isang beses lamang napapakinabangan.
Sa huli, hiling nila na tutukan ang problema sa sektor ng manggagawa at mabigyan ng solusyon dahil ang mga pamilya rin ng mga ito ang siyang nahihirapan kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon ng bansa.










