Kilos-protesta, isinagawa sa harapan ng DOJ para ipanawagan ang pagpapalaya sa political prisoners

Nagkilos-protesta ang ilang miyembro ng militanteng grupo sa harapan ng tanggapan ng Department of Justice (DOJ) ngayong Huwebes ng hapon.

Ayon sa grupong Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), ipinanawagan nila na palayain ang lahat ng mga nakakulong dahil sa politikal na dahilan.

Sa kabila anila ng pagdiriwang ngayong araw ng International Day in Support of Victims of Torture, marami pa ring Pilipino ang nakakaranas nito.

Inihalimbawa nila ang kaso ng isang 85 talong gulang na retired technician na si Prudencio Calubid Jr., na inaresto umano dahil lamang kapangalan nito ang consultant ng National Democratic Front of the Philippines na may P7.8 million na patong sa ulo.

Naniniwala rin ang grupo na ang mga pwersa ng estado ang nasa likod ng pagpaslang kamakailan sa transwoman at dating human rights defender ng KARAPATAN na si Ali Macalintal, na dati nang ikinulong dahil sa pambobomba ng isangg mall noong 2002.

Bagama’t ibinasura na anila ang kaso noon ay patuloy itong nakaranas ng pangha-harass hanggang sa paslangin ito.

Nararapat lamang ayon sa grupo na palayain ang lahat ng political prisoners lalo na ang mga dumanas ng torture at karahasan habang nasa kulungan.

Facebook Comments