Kilos-protesta, isinasagawa sa tapat ng Chinese Embassy; tensyon, sumiklab sa pagitan ng mga pulis at militanteng grupo

Nagsagawa ng kilos-protesta ang grupong Southern Tagalog sa harap ng Chinese Embassy sa Gil Puyat Ave., Makati City.

Ito ang pangalawang araw ng kanilang Bigkisan Caravan, upang kalampagin ang mga isyung may kinalaman sa panghihimasok ng China sa bansa.

Sa pagsasagawa ng rally, nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga pulis at ng militanteng grupo.


Ayon sa grupong Southern Tagalog, nanulak at nanakit ang ilang kapulisan ng Makati City Police sa ilang miyembro nila habang sinisira ang flag ng China bilang simbolo ng pagkundena sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea at pagpondo ng mga mapanirang proyekto.

Sinundan din anila sila ng mga kapulisan matapos ang isinagawang kilos-protesta.

Samantala, hinarang din ng mga kapulisan ang Bigkisan Caravan sa kahabaan ng UN Avenue na papunta sana sa US Embassy.

Pilit umano silang hinahanapan ng permit ng Manila Police District at binabansagang “out of line”, bukod pa rito ang banta ng paghuli sa mga kasama sa rally.

Gayunpaman, kahit may bantang paghuli at tahasang hindi pagpapatawid, ay natuloy ang programa ng mga rallyista sa harap ng Raon Shopping Center kalapit ng Quiapo Church.

Facebook Comments