Pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naninirahan at nagtatrabaho sa Bangladesh na manatiling maging mapagmatyag at maging maingat dahil sa nagpapatuloy na malawakang kilos protesta sa nasabing bansa.
Ayon sa DFA patuloy ang ginagawang monitoring ng Philippine Embassy sa Dhaka upang matiyak ang seguridad ng mga Pilipino.
Sinabi ni Ambassador to Dhaka Vicente Vivencio Bandillo sa ngayon, wala silang natatanggap na ulat na may nadamay na sa mga sugatan sa kaliwat kanang kilos protesta.
Paliwanag pa ni Bandillo nagpadala na ang Embahada ng advisory sa tinatayang 500 Pinoy sa Bangladesh nang sa gayon ay umiwas muna ang mga ito sa matataong lugar at wag makiisa sa mga demonstrasyon.
Sa pinakahuling ulat, naging marahas ang mga kilos protesta nitong nagdaang weekend makaraang gumamit ng tear gas ang mga otoridad para bugawin ang mga nagpoprotesta.