
Tinapatan at kinontra ng ilang mga transport group na grupong PASANG MASDA, ALTODAP, ACTO, BUSINA, at ibang pang mga grupo ang ikinasang tigil-pasada ng grupong Manibela ngayong araw.
Sa ginanap na press conference sa tanggapan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), sinabi ni PASANG MASDA National President Obet Martin na walang dahilan para magsagawa ng tigil-pasada ang grupong Manibela dahil tinutupad naman ng gobyerno ang kanilang pangako sa mga transport group na mapaganda ang kanilang pamumuhay kaya’t itinutulak ang modernization program.
Pero, nakiusap si Martin sa LTFRB na huwag naman pahirapan ang mga transport group sa mga requirement tungkol sa kanilang isinusulong na modernisasyon.
Paliwanag pa ni Martin, hindi dapat pakinggan ang mga pahayag ng grupong Manibela dahil tinutupad naman ng gobyerno ang kanilang mga napagkasunduan.
Subalit nagbanta si Martin na kapag hindi itinuloy ng pamahalaan ang modernisasyon na kanilang sinimulan, hindi sila magdadalawang isip na magsagawa ng malawakang tigil-pasada sakaling balewalain ng LTFRB ang kanilang mga kahilingan.
Una rito, nagsagawa ng pagsuporta ang ilang mga transport group na PASANG MASDA, ALTODAP, ACTO, BUSINA, at ibang pang mga grupo sa harapan ng tanggapan ng LTFRB bilang pangtapat naman sa isinagawang kilos-protesta ng grupong Manibela ngayong araw.