Itutuloy pa rin ng mga militanteng grupo ang kanilang kilos-protesta bukas sa kabila ng hindi pagpayag dito ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Katwiran nila, hindi ipinagbabawal sa ilalim ng Konstitusyon ang paghahayag ng kanilang saloobin at hindi raw ito ma-o-over power ng IATF Resolution 57 at DILG Memorandum.
Tiniyak ng Bagong Alyansang Makabayan na patuloy silang makikipag-coordinate sa Quezon City Local Government Unit (LGU), Quezon City Police District (QCPD) at Commission on Human Rights (CHR) upang maging maayos at tahimik ang kanilang aktibidad.
Susunod naman daw sila sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing at pagdadala ng alcohol.
Isasagawa ang kanilang main rally sa harap ng CHR sa Commonwealth Avenue simula sa umaga.
Nagtalaga rin sila ng iba pang assembly area sa paligid ng Elliptical Road at UP University Avenue bago ang salubungan march sa University Avenue at Commonwealth Avenue.
Pagtiyak din ng mga militanteng grupo na hindi na nila igigiit ang pag-martsa patungo sa Batasan Complex.