Kilos-protesta ng mga transport driver at operators sa Welcome Rotonda, tagumpay ayon sa grupong Manibela at PISTON

Tinawag na tagumpay ng transport group Manibela ang kanilang kilos-protesta sa Welcome Rotonda.

Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, abot sa 5,000 ang nakibahagi sa kanilang kilos-protesta mula kaninang umaga hanggang sa pagtatapos nito kaninang alas-3:00 ng hapon.

Nagpasalamat si Manibela Chairman Mar Valbuena sa Quezon City Police District (QCPD) sa ibinigay nitong pagkakataon upang makapagsagawa sila ng programa at maipaabot sa pamahalaang Marcos Jr., ang kanilang patuloy na pagkontra sa umano’y huwad na Public Transport Modernization Program (PTMP).


Kaninang umaga bahagyang nagkaroon ng problema sa pagitan ng mga nagpoprotestang transport group at pulisya matapos na tangkaing hulihin ang ilang mga tsuper at ireker ang ilang jeep ng Manibela dahil nagdulot ng mahabang trapiko at wala ng makadaang motorista sa Quezon Avenue.

Sinabi ni Valbuena, naayos agad ang problema matapos niyang ipaliwanag sa mga awtoridad na hinarang at hindi sila pinalusot sa España Blvd. ng mga tauhan Manila Police District (MPD).

Kaniya ring sinabi na tuloy-tuloy ang kanilang tigil-pasada hanggang sa August 16, 2024.

Ang grupong Manibela at Piston ay nagkasa ng tatlong araw na transport strike upang hilingin na suspindihin ang isinusulong na Public Transport Modernization Program o PTMP ng pamahalaan.

Facebook Comments