Pinaghahandaan na rin ng Philippine National Police (PNP) ang mga ikakasang kilos protesta kasabay ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Hunyo 30.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PNP Spokesperson at PCol. Jean Fajardo na nakahanda na ang mga pulis na nakatoka para sa mga rally o ang civil disturbance management contingents.
Ang mga ito aniya ang itatalagang magbabantay sa iba’t ibang mga kalsada na malapit sa National Museum kung saan manunumpa si President-elect Marcos.
Paalala ni Fajardo sa mga organizer ng kilos protesta na mag-apply ng permit sa lokal na pamahalaan upang walang malabag na batas.
Aniya, pupwede namang magsagawa ng mga protesta pero sa mga itinakdang freedom park lamang.
Kasunod nito, nakikiusap ang PNP sa mga raliyista na sana ay hayaang mairaos nang maayos at mapayapa ang inagurasyon ni President-elect Marcos.