Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang kilos-protesta ng mga militanteng grupo sa Commonwealth Avenue ngayong tanghali.
Kasabay ito ng huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dinaluhan ito ng mahigit isang libong indibidwal mula sa iba’t ibang militanteng grupo.
Isa na rito ang Coalition Artist of the Philippines kung saan idinaan nila sa mga painting at drawing ang kanilang hinaing laban sa kasalukuyang administrasyon.
Ang iba sa kanila ay nagsuot pa ng ‘Darna’ costume at iba pa.
Ayon kay Lisa Ito, Secretary General ng Coalition Artist of the Philippines, sa pamamagitan aniya ng art, maipaparating nila na dapat wakasan na ang rehimeng Duterte at huwag na itong ipagpatuloy.
Samantala, sinabi naman ni Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Renato Reyes, napilitan silang magsagawa ng kilos-protesta sa kabila ng pandemya upang maiparating sa kasalukuyang administrasyon na hindi nito natutugunan nang maayos ang krisis sa kalusugan sa bansa.