Mariing itinanggi ng aktres na si Kim Chiu ang paratang na sumayaw siya ng “Bawal Lumabas” sa gitna ng trapiko sa EDSA noong Lunes, Hunyo 1.
Umani ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga netizen ang video ng pagsasayaw niya na ipinost ng kapwa-artistang si Angelica Panganiban sa Instagram story nito.
Sa kaniyang Instagram post nitong Miyerkoles, nilinaw ni Chiu na kuha ang video sa parking area ng isang restawran.
“Moms @iamangelicap, sa EDSA daw ‘yung parking lot ng Tipsy Pig? Kaya pa ba? Ikaw na nag-deliver ng merchandise, ikaw pa pagbinintangan ng fake news. Hay… life… Hindi po biro magbenta ng merch, first time kong ginawa to pero okay lang I know this is for a good cause. Let’s spread love not hate. COVID ang kalaban natin. Hindi ang kapwa tao,” anang Kapamilya star.
Giit pa ng 30-anyos na celebrity sa mga nagpapakalat ng “fake news,” hindi raw niya magagawang umindak sa EDSA lalo na’t matindi ang takot nito.
Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na iimbestigahan ng ahensiya ang naturang insidente.
“We will verify if this video of the actress really happened in EDSA. If it did, We will summon/invite her to explain her side and from there we will act accordingly,” ayon sa text message na ipinadala ni MMDA spokesperson Celine Pialago.
Pagpapatuloy ng opisyal, marami silang kailangan unahin at pagtuunan ng pansin kaya ‘yun muna ang aksyon ng opisina sa viral video.