QUEZON CITY – Labis ang takot, kaba, at pagtataka ng aktres na si Kim Chiu kaugnay sa nangyaring pananambang sa kaniyang kotse nitong Miyerkoles.
Sa Instagram post ng aktres, nilinaw ni Chiu na hindi sila nasaktan ng personal driver at assistant niya.
Bagaman hindi pa makasagot sa text o tawag, pinasalamatan ng 29-anyos na aktres ang mga taong nangumusta at nag-alala sa kaniya.
“A lot of you have been texting and calling. can’t answer right now. Thank you for checking on me. Means a lot. Yes I am safe po. I’m ok and my P.A. And my driver as well.”
Pinagbababaril ng riding in tandem ang van na sinasakyan ng Kapamilya star sa kanto ng Katipunan Avenue at C.P. Garcia Avenue pasado alas-6 ng umaga.
Papunta siya sa taping ng teleseryeng “Love Thy Woman” nang maganap ang kalunos-lunos na pangyayari.
Palaisipan kay Chiu kung isa ba itong kaso ng mistaken identity dahil wala naman daw siyang kaaway o ka-atraso.
“Papa Jesus protected us. I dont have an idea what really happened, mistaken identity? I guess?? Napag tripan?.. This is a bad joke. 6am on my way to taping, I was asleep inside my car then I heard several gun shots, 8 to be exact.”
Dagdag ng Cebuana actress, mabuti na lang at nakahiga siya noon sa kotse niya.
“I was shocked and ask my driver what happened, then I saw this bullet on the windshield where my head was laying “buti nakahiga ako.” Pano kung tinuloy ko magbasa ng script?… Why me?,” pagpapatuloy ng celebrity.
Ipinapaubaya na lamang daw ni Chiu ang insidente sa Panginoon pero may panawagan siya mga salarin.
“At the end of the day inisip ko nalang walang nasaktan sa amin. God protected us. Salamat po.”
Ayon sa driver na si Wilfredo Taberna, halos kalalabas lamang nila subdivision, kung saan nakatira ang aktres, at pakaliwa na sa C.P. Garcia Avenue nang makarinig sila ng putok ng baril.
Matapos ang insidente, nagtungo raw sa direksyon ng Commonwealth Avenue ang mga lalaking nakasakay sa motorsiklo.
Nabatid ng pulisya na nagtamo ng anim na tama ng bala ang kotse ng Kapamilya star.
Sa kabila ng sinapit, nagtungo pa rin sina Chiu at personal assistant niya sa taping ng soap-operang pinagbibidahan.
Sumikat si Chiu makaraang tanghalin bilang 1st big winner ng reality show na “Pinoy Big Brother Teen Edition” noong 2006.