Hiniling ni Assistant Majority Leader Julienne Baronda sa mga kasamahang kongresista na ibigay ang kinakailangang pondo sa 2021 ng Department of Labor and Employment (DOLE) at attached agencies ngayong nahaharap sa COVID-19 pandemic ang bansa.
Iginiit ni Baronda na ngayong may pandemya ay napakalaking papel ang ginagampanan ng DOLE at mga attached agencies nito sa mga manggagawa at mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho.
Binigyang diin ng lady solon na ito lamang ang isa sa mga pinakamaitutulong ng Kamara sa mga kabilang sa labor sector ng sa gayon ay makapagsimula ulit sa buhay o makahanap ng panibagong trabaho ang mga displaced workers.
Sinabi naman ni Labor Assistant Secretary Dominique Tutay na pinaglalaanan nila ng ₱11.1 billion ang kanilang Tulong Paghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) program at COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa susunod na taon.
Sasapat aniya ito para matulungan ang nasa 2 million displaced workers.
Ang DOLE ay binigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ng P27.5 billion sa ilalim ng ₱4.506 trillion National Expenditure Program for 2021.