KINALAMPAG | Capacity ng MRT3, pinadadagdagan ngayong Christmas season

Manila, Philippines – Kinalampag ni Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento ang Department of Transportation (DOTr) na madaliin ang pagsasagawa ng adjustments sa Dalian train.

Ito ay bunsod na rin ng pangamba ng paglala ng traffic ngayong papalapit na Christmas season.

Iginiit ni Sarmiento na dapat madaliin ng DOTr ang pagkakaroon ng 20 operational trains pagsapit ng pasko upang madagdagan ang kapasidad ng MRT3.


Aniya ang mga Dalian trains ay available at ready ng gamitin matapos ang mga adjustments na ginawa para umakma sa riles ng MRT3.

Ang kinakailangan na lamang ay tiyakin ang safety tests para ligtas ang mga pasahero sa oras na gamitin ito.

Aminado si Sarmiento na bagamat nagkaroon ng improvement sa operasyon ng MRT3 nang magpalit ng maintenance service provider, malaking hamon pa rin ang capacity ng MRT lalo pa ngayong holiday.

Ayon pa kay Sarmiento, maliban sa Christmas rush ay asahan ang lalo pang paglala ng traffic dahil sa sabay-sabay na pagpapagawa ng MRT7, extension projects sa LRT Line 1 at 2, Skyway extension at iba pang major road works sa Metro Manila.

Kung madadagdagan ang bilang ng MRT trains ay mas pipiliin ng publiko na sumakay ng tren kesa ang ma-stuck sa traffic sa EDSA.

Facebook Comments