Taguig City – Kinalampag ng environmentalist group ng EcoWaste Coalition ang Embahada ng South Korea sa Taguig City.
Ito ay upang ipanawagan ang mabilis na pagbabalik ng tone-toneladang basura na galing South Korea na ipinasok sa ating bansa.
Sa halip na KPOP tinawag nilang KBOP o “Korea Basura Out of the Philippines” ang kanilang aktibidad upang makuha ang atensyon ng gobyerno ng Korea.
Ayon kay EcoWaste Coalition Coordinator Aileen Lucero, tahasang paglabag sa dignidad at soberanya ng isang bansa ang ginawang pagtatapon ng basura ng Korea sa Pilipinas.
Paglabag din aniya ito sa ating batas dahil bukod sa walang import clearance ay mis-declared din ang mga kargamento.
Idineklara kasing plastic synthetic plates ang laman ng mga kargamento, pero pinaghalong mga toxic at biohazardous waste pala ang mga laman nito, tulad ng mga lumang baterya at mga medical waste gaya ng dextrose tubes at diaper.
Tinatayang higit sa 30 tonelada ang bigat ng basurang ito na nakatambak ngayon sa bakanteng lote sa Cagayan de Oro City.